ULAN
Tuwing umuulan, ala-ala'y hatid
Mga ngiti sa labi, maging luhang labis
Kaugnay ang ulan sa diwa ay batid
Nasilip ang saya, banaag ang hapis
Mga ala-alang biglang nagbabalik
Sa balintataw Ko'y aking nasisilip
Dating kababata sa buhok Ko'y humalik
Sa pagod maglaro'y dibdib sumisikip
Masayang saglit ng isang kabataan
Wala ngang katumbas na anumang bagay
Sa panahong nagmahal sobrang nasaktan
Puso'y may saya at lungkot sa'ting buhay
Panahon ay sadyang may hiwagang angkin
Ulan na minsan ay saksi ng damdamin
Comments
Post a Comment