Pagsusuri ng Nobela


                    Ang Bagong Paraiso
                                                                                            (Ni Efren Reyes Abueg)

I.INTRODUKSYON
A. KAHULUGAN NG PAMAGAT:
        Ang pamagat na " Ang Bagong Paraiso"  ay nangangahulugang lubos na kkasiyahaj seensa  piling ng minamahal. Sapagkat ang Paraiso ay isang lugar na napakaganda at kasiya-siya.  Kung saan ang paraisong ito ay ang  mundong ginalawan ng dalawang pangunahing tauhan sa ikalawang pagkakataon. isang bagay na pilit isinakatuparan sa kabila ng banta at pagbabawal ng kanilang mga magulang. Dahil ang unang Paraiso na tinukoy dito ay ang malawak na lugar nila sa may bakuran na maraming puno at halaman pati ang dalampasigan na kanilang nilagian sa panahon ng kanilang kabataan o kawalang malay ngunit malaya maglaro at magkasama. ngunit ang bagong Paraisong kanilang binuo ay dumaan sa pagtatago at paghihimagsik subalit sadyang puno ng kaligayahan sa piling ng isa’t isa. 

B. PAGKILALA SA MAY-AKDA:
        Si Efren Abueg ay isinilang sa Tanza, Cavite noong Marso 3, 1937 at isa sa mga iginagalang na kuwentista, nobelista, mananalaysay, at krititiko sa kanyang kapanahonan. Kabilang sa kaniyang mga aklat ang Bugso, ang kaniyang kauna-unahang koleksiyon ng mga kuwento. Siya rin ang editor at bumuo ng mga antolohiyang gaya ng Mga Piling Akda ng KADIPAN (1964); Mga Agos sa Disyerto (edisyong 1965, 1974, at 1993); MANUNULAT: Mga Piling Akdang Pilipino (1970) at Parnasong Tagalog ni Alejandro G. Abadilla (1973).

C. Mahahalagang tauhan:
 
Cleofe - Isang batang babae na napamahal sa kababatang si Ariel. Sumuway sa bilin ng kanyang mga magulang dahil sa labis na pagmamahal sa kababata.
Ariel -   isang batang lalaki na napamahal sa kababatang si Cleofe.

D. Tayutay/ Talasalitaan:

Masinsing mga dahon - makapal na mga dahon
Lalagumin - mababalot
Mapupukaw - maaagaw pansin
Mababalikwas - biglang mapapabangon
Putot - maigsi
Halamis sa talpukan - kastilyong buhangin
Nangungibli - nagtatago
Madalumat - maunawaan
Kapit-tuko - laging magkasama
Naglapak-lapak - nagkapunit-punit
Bubot- buko pa
Nakalargo - nakaporma
Silahis - sinag
Maluom – mapigil

II. Buod:
Ang nobelang ito ay may labing walong(18) kabanata at umiikot sa buhay ng magkababatang si Ariel at Cleofe ang estorya nito.
Nang sina Ariel at Cleofe ay Musmos pa lamang, kilala na nila ang isa’t isa. Itinuring nilang isang paraiso ang kanilang lugar na malawak, mapuno, mahalaman, maibon, at may daan na humahawi sa damuhan tungo sa dalampasigan kung doon sila ay madalas, kasabay ng kanilang gawain at paglalaro na labis nilang kinaaliwan noon.
Walong taong gulang sila nang magkakilala at mahilig maglaro sa tabing-dagat at sa malawak na bukirin sa kanilang lugar.
Ang magandang samahan nina Ariel at Cleofe ay nagtagal at nagpatuloy hanggang sa dumating ang panahon na sila ay dalaga at binata na. 
Sa panahong ito, wala na ang kamusmusan at nag-iba na rin ang takbo ng kanilang isip, maging ang kanilang damdamin.
Batid ng mga magulang nila na higit na sa pagkakaibigan ang namamagitan sa dalawa. Ang dating magkalaro ay alam nilang mahalaga na ang tingin sa isa’t isa. Kaya naman gumawa ng aksyon ang kanilang mga magulang. Pinag-aral si Cleofe sa siyudad upang mailayo kay Ariel. Paghahanda raw ito sa magandang kinabukasan niya. Ngunit ang paglayo ay hindi pa rin nagging hadlang sa dalawa. Pinilit pa rin nilang magkita sa kabila ng matinding pagbabawal. Sa kanilang muling pagtatagpo ay isang bagong Paraiso ang kanilang natagpuan. Ang init ng kanilang pagmamahalan ay tila init na naranasan nila sa paglalaro sa malawak na taniman. Ang bawat yakap at halik ay tila bagong Paraiso para sa dalawa. At ang Paraiso ay nagbunga, na para sa iba ay parusa habang iyon ay isang biyaya naman sa kanila.

III. PAGSUSURI 

A. LAYUNIN NG MAY-AKDA:
Ang akda ay isinulat sa layong maitatak sa isipan ng mga kabataan na ang payo ng mga magulang ay nararapat sundin at paniwalaan upang hindi sila magkamali ng landas. Ipinahihiwatig dito na anumang desisyong hindi pinag-isipan ay maaaring sa huli ay pagsisisihan.

B. ISTILO NG PAGLALAHAD
Ang daloy ng kwento ay ginamitan ng karaniwang estilo ng paglalahad upang isalaysay ang mga danas ng mga panunahing tauhan. Ipinakita ng awtor sa simulang bahagi pa lamang ng paglalahad ang pagkakakilala mula sa pagkabata nina Ariel at Cleofe hanggang sa kanilang pagtanda.

C. PANSIN AT PUNA
Mapapansin na inilahad ng awtor sa akdang ito ang reyalidad sa pagitan ng mga anak at mga magulang. Tulad ng pagiging mahigpit ng magulang ni Cleofe sa kanya dahil iniingatan sya ng mga ito. Gayundin ang mauling ni Ariel sa kanya upang makaiwas aniya sa tukso. Ang daloy ng mga pangyayari ay naging makatotohanan, mula sa pagkabata na madalas magkasama sa paglalaro, ay nauwi sa pagmamahalan. Ngunit ang naging daan ng kanilang pagsasama ay masyadong minadali at hindi napagplanuhan, bagay na madalas mangyari sa kasalukuyan.

IV. PAGPAPAHALAGA AYON SA NILALAMAN

A. KALAGAYANG SOSYAL
Sa akdang ito ay makikita natin ang kahinaan nina Cleofe at Ariel bilang isang tao. Sapagkat hindi nila nagawang labanan ang damdaming umaalab sa kanilang laman. Nadala sila ng tukso na sukat nagpaliit ng kanilang daan. Mas umiral sa kanila ang kapusukan nang nadama nila ang himig ng pag-ibig.

B. KULTURANG PILIPINO
Konserbatibong mga magulang, pagiging mahiyain at ang kahalagahan ng pagsunod sa payo ng nakatatanda.

C. PILOSOPIYANG PILIPINO
Makikita sa akdang ito ang papel ng mga magulang sa kanilang mga anak. Ang paghihipit, pagpapayo upang hindi mapahamak ang kanilang mga anak. Sa panahon ng pagbibinata at pagdadalaga ay kailangan ng gabay upang maiiwas sa tukso. Makikitang mahalaga ang edukasyon para sa mga magulang at kailangang unahin bago ang pagmamahal sapagkat ang mga kabataan ay masyadong mapusok kapag napukaw sa pag-ibig.
 
D. SIMBOLISMONG PILIPINO
SANGANG DAAN – kung saan minsan sa buhay nila Ariel at Cleofe ay tila hindi nila alam daan na dapat nilang tahakin. Sila ay pawang nasa gitna ng sangang daan na sa kaliwa ay isang daan na sila ay hindi na maaring magkasama ni magkita manlamang.

V. TEORYANG PAMPANITIKAN

Ang akda ay may Teoryang Romantisismo kung saan ang dalawang tauhan ay tumatakas sa katotohanan. Patungkol ito sa dalawang magkababata na sina Ariel at Cleofe. Sa simula ay Malaya sila bilang mga bata na laging gustong maglaro na magkasama ngunit ng lumaki na sila ay hindi na sila Malaya na magkita ng madalas kaya’t sila’y pinagbawalan ng kanilang mga magulang, dahilan ng palihim nilang patatagpo. Nakapaloob rin sa akdang ito ang Teoryang Realismo sapagkat tunay na nangyayari maging sa kasalukuyan ang mga pangyayari sa akdang ito. 

VI. BISANG PAMPANITIKAN

A. BISA SA ISIP
Kailangang isaisip muna ang maaring kahinatnan ng isang desisyon bago isakatuparan ito. Ditto ay ipinakita ang karaniwang nagaganap sa buhay ng mga kabataan. Na isinasaisang tabi ang edukasyon para sa pag-ibig. Na mas nasusunod ang damdamin kaysa isipan na siyang mas mataas sa puso upang siyang dapat na masunod ay bigo.

B. BISA SA DAMDAMIN
Mahirap labanan ang damdamin, ngunit kung laging susundin ay maaring magdulot ng mas mahirap at masakit na karanasan.

C. BISA SA KAASALAN
Ang dalawa ay kapwa sumuway sa payo ng kanilang mga magulang masunod lamang ang ningas ng mga damdaming ayaw magpapigil sa itinuring nilang bagong Paraiso.

VII. ARAL
Ang magulang ay laging naghahangad ng kabutihan para sa anak, kaya’t ang kanilang payo ay mahalagang sundin upang hindi magkamali ng landas na tatahakin. Lubos nilang batid ang mainam na hakbang upang tagumpay ay marating, dahil mas marami na silang karanasan kaysa sa mga kabataan na nagsisimula pa lamang humarap sa buhay. 

VIII. REPLEKSYON
Sadyang ang tukso ay mahirap labanan, lalo na kung ang iyong kailangang iwasan ay nagsisilbi mong lakas upang harapin ang bawat bukas. Napakahirap lumayo sa taong nagbigay kulay sa paligid mo upang Makita mo ang ganda ng mundo. Minsan ito ay hindi naiintindihan ng ibang tao. Kaya’t para sa kanila ay madali lang ang pag-iwas sa tukso. Ngunit ang may katawan ay maaring pag-isipan ang mga bagay-bagay, dahil kung tunay ang pagmamahal, ito ay nakapaghihintay. Bagaman nabubulag tayo minsan ng sobrang kasiyahan, ay kailangan pa rin gumising sa katotohanan lalo sa larangan ng pag-ibig kung saan ito ay marapat din na pinagpaplanuhan upang mas maging kasiya-siya ang kahihinatnan.




Pagsusuri ni: Lornadee R. Ceroriales
BSED FILIPINO 4-A

Comments

Popular posts from this blog

ULAN

PAGPAPAUBAYA