Nasilayan sa balintataw

                                 PAGSILAY


Sa muling pagtilaok ng manok, isang umagang maningning ang hatid, at iminulat ko ang aking mga mata, may ngiti sa mga labi at nakahiga sa malambot at magandang kama habang sinisilayan ang masiglang umaga, may sinag mula sa silangan na tumatagos sa salamin ng bintana ng aking silid. Sa aking pagbangon ay  pinagmamasdan ko ang aking mga minamahal na anak sa  kani-kanilang silid-tulugan at masayang sila'y nakikitang nasa maayos na higaan, komportable at hindi na nagsisiksikan. 

Ito ang pinangarap kong tahanan, Hindi kalakihan, may ikalawang palapag, isang bahay na sapat para sa aking pamilya. May kompletong bahagi bilang  isang tahanan. Mayroon nang elektrisidad, may masaganang daloy ng  tubig kung saan di na kailangan umigib at maghintay sa mahabang pila ng pagsalok. May malawak na bakuran sa labas at magagandang halamang namumulaklak. Isang tahanan na Puno ng kasiyahan dahil kapiling ko ang aking tatlong anak at nagiisang kabiyak. May maayos na trabaho kung saan ako ay isang ganap nang Guro na nagsisikap para sa mga mag-aaral at nagtatamo rin naman ng kasiyahan sa niyakap kong propesyon, at kasabay nito ay isang Perfume Business  na patuloy kong pinagyayaman.

Para sa akin, sapat na ang ganito, napupunan ang mga pangangailangan sa araw-araw kahit di marangya o walang magarang sasakyan,  ngunit may maayos na tahanan.  Maligayang kapiling ang aking minamahal na pamilya at laging sama-sama patungo sa bahay dalanginan o sambahan. 


Kaysaya ko na sana! habang nangangarap ng gising, isang pusa ang tumalon sa aking harapan at sukat gumitla sa akin at ang diwa Ko'y nagbalik sa katotohanan. Ang lahat nga ng ito ay isang kabaliktaran pa lamang ng aking kasalukuyan. Isang pagsilay lamang sa aking Pangarap na pamumuhay paglipas ng Sampung taon.

Maaring para sa iba, ang aking Pangarap ay maituturing na simple, pero para sa akin ito'y kasinghalaga ng ginto o pilak na hinahangad ng  marami, ngunit hindi madaling makuha kung ang Panahon at pagkakataon ay hindi sumasangayon sa kabila ng pagsisikap na ating iginugol. Tunay na tanging ang maykapal lamang ang siyang susi ng tagumpay. Siya lang ang magbubukas ng daan tungo sa landas na pinapangarap. 

Comments

Popular posts from this blog

ULAN

Pagsusuri ng Nobela

PAGPAPAUBAYA