ANAK AKO
Nang ako'y musmos pa lamang
Aking ama ay lumisan
Ang Kanyang tanging larawan
Ang siya kong tinitingnan
Upang siya'y masilayan
Minsan ako'y nagtatanong
Ama Ko'y saan naroon?
Kalungkuta'y nadarama
Nais sana'y makasama
At sana'y mayakap siya
Nabakas sa aking mata
Ang kabiguan at lumbay
Butil sa pisngi'y dumaloy
Sanhi ay kanyang paglisan
Sa piling ni inang mahal
Aking ina'y inspirasyon
Pagharap sa mga hamon
Madapa man ay bumangon
Sinubok ng panahon
Anak akong tumutugon
Bilang anak ako'y sadyang
Nagpatawad at nagmahal
Sila pa rin ang dahilan
Kung bakit ako'y nabuhay
Sa mundong ginagalawan
Comments
Post a Comment