PINAGPALA
May mga bagay o pangyayari sa ating Buhay na masasabi natin na tayo ay pinagpala, gaya ng magandang katayuan sa buhay, Malaking Bahay, magandang trabaho, kasikatan, taglay na katalinuhan, at mga Talento na meron ang isang indibidwal. Ngunit Kadalasan ang mga bagay na ito lamang ang siyang binabasehan ng ilan sa atin upang masabi na sila ay pinagpala. At ang mga simpleng pagpapala ay hindi na halos makita ng iba. Ikaw Kaibigan, kumusta ka? Masasabi mo ba na isa ka rin na pinagpala? Kung ako ang tatanungin, ako ay pinagpala sa kabila ng aking mga Pangarap na nais pang matupad.
Anu-ano nga ba ang mga pagpapala na aking tinitingnan Kung bakit ako'y isang pinagpala? Ako'y pinagpala dahil sa mga ito:
BUHAY
Sa bawat paggising natin sa isang bagong Umaga ay maituturing na itong isang pagpapala o isang malaking biyaya mula sa maylalang. Ito'y dahil kung wala ang buhay, Hindi na muling masisilayan ang ganda ng paligid na kanyang nilikha, at Hindi na rin makapagpapatuloy sa mga Pangarap na iginuhit natin sa ating isipan. Kaya't tayo'y pinagpala ng buhay upang siya'y kilalanin at pasalamatan sa lahat ng bagay na meron tayo. Ang ating Buhay ay mas mahalaga sa mga materyal na bagay, at ang ating katawan ay mas mahalaga kaysa magandang kasuotan.
KALUSUGAN
Sa lahat ng pagpapala na ating natatanggap, inaari Kong napakahalaga ng biyayang kalusugan ng ating katawan. Bagaman may kahirapan sa ating Buhay ngunit nananatiling malusog tayo ay napakalaking bagay na nito para sa atin. Sapagkat aanhin ba natin ang kayamanan? kung salat ang katawan sa kalusugan, at puro karamdaman na Hindi kayang pagalingin ng kahit sinong pinaka ekspertong doktor? Kaya't mapalad tayo kung tayo'y malusog at hindi pinagkukulang sa araw-araw.
PAG-IBIG
Masasabi Kong ako'y pinagpala dahil may kabiyak akong matapat at mapagmahal sa pamilya. Isang lalaking Hindi pinapangarap ng isang Babae; Hindi gwapo, Hindi matalino, Hindi mataas ang pinag-aralan, at Hindi mayaman. Ngunit Hindi kayang pantayan ninuman ang pagmamahal at sakripisyo na ginagampanan niya bilang isang ama at Padre de pamilya. Siya ang lalaking aking hiniling sa Diyos at sadyang ipinagkaloob.
TAHANAN
Masasabi kong mapalad pa rin ako bagaman ako'y may isang maliit lamang na tahanan. Sapagkat dito ay masayang nakakapiling ko ang aking pamilya. Kung saan ang Diyos ang tangi naming sandigan sa mga oras na dumarating ang mga kalamidad. Ang munti naming tahanan ay nagsisilbi naming kanlungan sa araw-araw. Isang bagay na napakahalaga para sa seguridad ng isang pamilya.
PAGSUBOK
Kung saan may mga Panahon na Tayo ay sinusubok ng Panahon, mga problemang kinakaharap sa buhay. Mapalad ako dahil sa mga pagsubok at problema, dahil sa mga ito ay mas nagiging matatag ako sa buhay. Bagaman minsan ako ay nadadapa at nagkamali sa ilang mga desisyon, sa pamamagitan Naman nito ay marami akong natututunan at dahil dito ay mas naitatama ko ang ilang bagay upang masundan ang magandang landasin sa buhay.
GABAY
At ang isang pinakamahalaga upang masabi Kong ako'y pinagpala, ay ang patuloy na paggabay sa amin ng Panginoon. Kung saan sa bawat oras na Nangangailangan ako ng tulong Lalo na sa Pangpinansyal, ang Panginoon ay gumagamit ng isang tao bilang instrumento niya upang magbigay ng sagot sa aking dalangin. Gayundin sa mga oras na may panganib, ang Panginoon ay Hindi nagpapabaya sa mga taong tumatawag at naniniwala sa kanya. Sadyang ang gabay niya ay lagi Kong nararamdaman at napapatunayan. Tunay na ang Diyos ay naglalaan sa ating mga pangangailangan, magtiwala ka lang.
Iyan ang mga bagay na aking tinitingnan upang masabi Kong ako'y pinagpala. Maaring ngang lahat Tayo ay pinagpala, ngunit hindi nakikita ng Ilan ang mga maliliit na bagay na siyang pundasyon tungo sa malaking biyaya. Kadalasan mas nakikita ang mga negatibo o mga kabiguan kaysa mga pagpapala. Kung kaya minsan ay sasabihin ng ilan na sila ay hindi pinagpala. Kaya't tungkol dito ay sinasabi na " pinagpala silang nakakakita ng mabubuting bagay sa simpleng lugar kung saan walang nakikita ang ibang tao"._Camille Pissarro
Tayong lahat ay pinagpala, at may dahilan kung bakit Tayo ay nabubuhay. Kaya't mabuhay tayo na may Magandang hangarin. Magpokus tayo sa mga biyaya maliit man o malaki. Huwag natin masyadong tingnan ang mga negatibong bagay, dahil kung may isangdaan(100) kang dahilan upang malungkot, sasabihin ko sayo, may isang libong (1000) dahilan ang Diyos upang ika'y ngumiti! Magpokus ka lang sa iyong kalakasan, huwag sa iyong kahinaan. Magpakatotoo sa sarili, huwag hintayin ang paniniwala sayo ng iba kundi ng iyong sarili, magkaroon ng positibo at mapagkumbabang pagiisip anuman ang iyong kalagayan. Laging bilangin ang mga pagpapala hindi ang mga suliranin upang iyong mapagtanto kung gaano kaganda ang iyong Buhay at mabatid mong ikaw ay isang tunay na pinagpala.
Comments
Post a Comment