Kwentong kapaligiran: Aplaya
APLAYA
Masaya at saganang namumuhay sa linang ang mag-asawang sina Richmon at Erich sa simpleng tahanan. Medyo layo layo ang mga bahay at masasabing tahimik ang lugar. May malawak silang taniman ng mga halamang gulay pati mga bulaklak. Mayroon silang dalawang anak na lalaki na madalas naglalaro sa labas ng kanilang bakuran na doon ay may mga puno ng mangga at iba pang punong kahoy. Sa isang bahagi ay naroon ang isang hukay na pinagiimbakan nila ng mga nabubulok na basura gaya ng dahon at balat ng gulay. Mayroon din silang sako na pinagiipunan ng mga basurang hindi nabubulok gaya ng mga boteng plastik at iba pa. Sa madaling salita ay kanilang nasusunod ang patakaran sa kapaligiran sa kanilang baryo.
Lumaon ang mga araw, tila malaking pagsubok ang gumambala sa maayos nilang kalagayan. Isang malaking pagsubok ang kanilang hinarap. Sapagkat noon ay nakikitira lang sila sa bahay at lupang kinaroroonan nila. At dumating sa punto na kailangan na nilang umalis.
"Richmon, paano na tayo saan tayo nito lilipat?" Tanong ni Erich sa kanyang asawa. " Akong bahala, hahanap ako ng ating malilipatan. Tugon naman ni Richmon sa kanya.
At sa ikatlong araw na paghahanap ni Richmon ng bahay ay nakahanap siya ng upahan malapit sa kabayanan. Ito'y sa baranggay Casinag. Kung saan tila ibang-iba ang kapaligiran sa dati nilang kinaroroonan. Isang hapon ay naghakot na sila ng kanilang mga kagamitan sa naturang baranggay. Nanirahan sila sa lugar na iyon. Malapit iyon sa dalampasigan, Maraming kalapit bahay at halos dikit dikit at talagang maingay ang paligid. May mga videoke na halos sabayan kung magtunugan. Ibang-iba sa nakasanayan ng pamilya ni Richmon. Maging ang mga anak ng mag-asawa ay tila naguluhan sa bagong tinitirhan. Wala na ang malalaking puno na nagbibigay ng preskong hangin at wala na rin silang sariwang gulay na mapuputi. Naging mahirap para sa kanila ang bagong lugar.
Isang umaga noon ay gumising ng maaga si Erich, naisipan niyang mamasyal sa dalampasigan. Ngunit sa mga sandaling iyon ay tila nadismaya siya sa kanyang nakita. Ang tabing dagat nagmistulang basurahan ng naturang baranggay, puno ng basura at hindi maganda ang simoy ng hangin. Lubhang nalungkot si Erich, ang maganda sanang tanawin ay hindi naging kaaya-aya para sa kanya. Dudura dura siyang naglalakad pabalik sa kanyang tahanan nang may makasalubong pa siyang isang residente doon na may dala-dala pang basura para itapon sa baybay na iyon. Iiling iling ng ulo si Erich habang tumuloy na sa paglakad papunta sa kanilang tahanan. Pagkarating niya ay nadatnan niyang gising na rin ang kanyang asawa at dalawang anak. " O bakit naman nakasimangot ka mahal? tanong sa kanya ng asawa.
"E sino ba naman hindi sisimangot e ang ganda na sana ng pamamasyal ko sa tabing dagat, biglang naamoy ko naman ang masangsang na simoy ng mga basura doon! grabe ang kalat,! ano bang klase ang mga tao dito!" Pabulong na singhal niya sa asawa.
Maya-maya ay may dumating na tao sa kanila. "Tao po!" Sino po sila bakit po? Tanong ng mag-asawa. "Kayo pala ang bagong lipat dito sa aming lugar, ako pala si Mia. Pagpapakilala ng kalapit bahay nila. Nakita kase kita kanina habang papunta ka sa baybay. "Ah ganun ba, ako si Erich, bagong lipat nga lang kami dito kaya gusto ko sana mamasyal kanina sa tabing dagat kaya lang..." Kaya lang ano? Tanong ni Mia.
"Tambakan pala ng basura ang baybay-dagat!"wika ni Erich.
"Ay oo, matagal na yan problema ng aming baranggay eh! Ilang beses na rin nagpameeting patungkol sa bagay na yan at nagsagawa na rin ng paglilinis sa tabing dagat sa loob ng isang linggo. Ngunit pagkalipas ng ilang araw ay ganun nanaman ang nangyari. Sadyang matitigas talaga ang ulo ng mga tagarito, hindi sinusunod ang tamang pagbubukod-bukod ng mga basura. wika ni Mia. Sa bagay na iyon nalungkot at nag-alala si Erich sa maaring maidulot ng kapaligiran sa kanyang mga anak.
Sa kabila ng mga negatibong bagay na nakikita ng mag-asawa sa kapaligiran ay patuloy pa rin silang nagsasagawa ng kanilang nakasanayan. Ang tamang pagbubukod ng mga basura. Maaga pa lamang ay nagtitipon na sila ng mga basura mula sa kanilang tahanan at inilalabas nila iyon sa araw ng pagkukulekta ng mga basura. Halos sila lamang mag-asawa ang naghahatid ng mga basura doon. Nakatingin pa sa kanila ang mga kalapit bahay na nadadaanan nila patungo sa impukan ng basura para kunin ng nangongolekta ng mga ito. Tila ba nagbubulungan pa ang mga tao dahil sa kanilang pagsisinop ng basura.
Minsan ay may isang babae na nagwika kay Erich. " Wag mo nang sinupin ang mga basura mo, itapon mo na lang din sa dagat kesa buhatin mo pa diyan sa kalsada!" Sigaw nito sa kanya. "Ngunit hindi makakabuti para sa ating lahat ang patuloy na pagdami ng basura sa ating baybay-dagat, kaya't sana ay matuto tayo kahit sa maayos na pagtatapon ng ating mga basura."mahinahon niyang tugon sa nagwika sa kanya. Ngunit tila inirapan pa siya ng tingin ng babaeng iyon.
Di nagtagal, dumami ang mga batang nagkakasakit sa lugar. Mga batang madalas naglalaro sa tabing dagat. Nagsugat-sugat sa mga paa hangang sa mga kamay, at ang iba'y biglang nagsusuka at may pananakit ng tiyan, dahilan ng pagkakasugod sa Ospital.
Noon ay lubhang nahintakutan para sa mga anak, lalo ang mga ina ng mga batang may karamdaman.
Sa pagkakataong iyon ay nagpatawag ng pagpupulong ang kapitan ng baranggay hinggil sa pagdami ng mga batang nagkakasakit at ang posibleng dahilan nito. Sa mga oras na iyon ay naglakas loob na magsalita si Erich sa lugar kasama ng mga sanggunian ng kanilang baranggay;
"Kung patuloy tayong hindi kikilos ng tama sa pagtatapon ng basura, mga anak natin ang siyang magdurusa, mga batang nais lang ay maging masaya at malayang makapaglaro. Ngunit paano natin sila mapoproteksyunan mula sa kapaligiran? Kung tayo mismo ang dahilan ng kanilang kapahamakan!
"Kaya mga kabaranggay, sana'y mahalin din natin ang kapaligiran tulad ng pagmamahal natin sa ating mga anak." Magkaroon tayo ng disiplina sa pagtatapon ng basura, upang mailigtas ang mga bata sa mga sakit na dumapo sa kanila."mahabang pahayag ni Erich.
Matapos niyon ay tila nagbubulungan ang mga residente, maya-maya ay may nagsalitang isa, "tama! sa atin dapat magsimula ang pagbabago sa lugar na ito, para sa ating mga anak, siguro naman ay matututo na tayo mga kasama."wika ng isa sa mga tagaroon. At noon ay nagpalakpakan ang marami at sumang-ayon sa mga narinig mula kay Erich.
Kinabukasan niyon ay nagtulong tulong ang mga residente ng baranggay Casinag upang linisin ang kanilang baybay-dagat. At nagsimulang gumawa ng kanya-kanyang basurahan; ang mga nabubulok, di-nabubulok at ang nareresiklo. Noon ay natanto nila ang kahalagahan ng kalinisan ng kapaligiran.
At ang dalangin ni Erich " sana ay magpatuloy ang kalinisan at disiplina ng mga tao sa lugar". Upang maging malaya at ligtas na makapaglaro ang mga bata sa Aplaya.
Comments
Post a Comment