Pagsusuri ng Pelikula
MAGNIFICO
ni Maryo J. de los Reyes
I. PANIMULA
Ang “Magnifico” ay isang pelikulang drama-trahedya na gawang pinoy. Ang pamagat nito ay tumutukoy sa pangunahing tauhan ng pelikula, isang batang musmus na maagang namulat ang isapan dahil sa kahirapan. Pangunahing paksa nito ay ang payak na pamumuhay, mga pagsubok at mga dagok sa buhay na karaniwang kinakaharap ng bawat pamilyang Pilipino. Umiikot ang storya nito sa mga kahirapang nararanasan ng mga ordinaryong tao, ang mga pagsisikap, tagumpay at kabutihang loob. Isa rin itong pelikulang sumasalamin sa pag-asa. Na sa gitna ng patong-patong na problema ay magagawa pa rin itong solusyunan sa simpleng paraan at sa abot ng makakaya.
Ito'y sa direksyon ni Maryo J. de los Reyes, isang batikang direktor at nominado sa iba't ibang parangal. Siya ang nagumpisnag magdirihe ng mga pelikula noong dekada 1970's hanggang sa kasalukuyan.
Samantala, ang sumulat naman ng skrip ng pelikulang ito ay si Michito Yamamoto, at isinagawa ng kompanyang Violet films production.
II. TEMA/PAKSA
Ang pelikulang ito ay patungkol sa isang bata na maagang namulat ang isipan sa kahirapan. Ngunit sa kabila ng kahirapan at patong-patong na pagsubok na kinakaharap ay nagawang maging positibo at nakapagbigay saya sa iba. Ipinakita ng pelikulang ito ang pagiging mapagpatawad, maunawain, mapagmahal at mapagkalinga sa nangangailangan bagaman may sariling suliranin ay hindi naging dahilan upang hindi magpadama ng malasakit sa iba.
III. NILALAMAN
A. KUWENTO:
Sa aking panonood ng pelikulang ito, hindi ko maiwasan ang mapaluha dahil sobrang nakakadala ang bawat eksena nito. Ito'y sadyang kumukurot sa aking puso. Masasabi kong hindi pangkaraniwang bata ang katangiang meron ang pangunahing tauhan na si Magnifico. Imbes na sa paglalaro niya gugulin ang bawat panahon bilang isang bata ay mas binigyan n'ya ng pansin ang pagtulong sa kanyang pamilya, lalo na sa kanyang nakababatang kapatid na may sakit na Celebral Palsy. Bukod dito ay ang pag-sasadya nya ng kabaong para sa lola niyang maysakit at may taning na ang buhay dahil sa sakit na colon cancer. Sadyang nakakaantig ng puso ang makita ang isang batang tulad ni Magnifico ay maging responsable sa mga suliraning kinakaharap ng kanyang pamilya. Bagaman hindi para sa kanya ang mga ganitong bagay ay sinikap niyang matugunan ang problema ng kanyang pamilya. Bukod pa nga sa sariling pamilya ay naging ugat din siya ng kasiyahan para sa iba dahil naging matulungin din sya sa ibang tao.
Napakaganda ng estorya ng pelikulang ito at naging kaabang-abang ang bawat eksena. Isang makatotohanang pangyayari sa ating lipunan ang inilalahad, ang tali ng kahirapan na hindi mapatid-patid. Ngunit ang tulad ni Magnifico ay bihira lamang sa mga batang gaya n'ya. Ang paggiging matiyaga at maunawain sa kapwa ay tunay na naglalahad ng magandang katangian. Kaya't maaga mang pumanaw ang batang si Magnifico ay masasabi namang naging makulay at makabuluhan ang bawat araw niyang inilagi sa ating mundo.
B. PAMAGAT:
Masasabing perpekto ang titulo ng pelikulang ito dahil umiikot sa buhay ng pangunahing tauhan ang daloy ng kuwento nito. Sadyang nakasentro sa buhay at katangian ng isang batang musmos na si Magnifico na kung saan ay naging makulay at makabuluhan ang naging pagtanaw sa buhay kahit nasa sitwasyong hindi kaaya-aya. Si magnifico sa huli ng pelikula ay naging mabuting halimbawa sa buhay ng bawat tao.
C. DIYALOGO:
Ang mga salita ay naayon lamang sa bawat eksena. Bagaman may mga salitang mabibigat ay bahagi ito ng karakter na ipinakikita sa tunggalian ng mga tauhan. Sa kabuuang palitan ng mga salita ay hindi naman gumamit ng malalalim na salita upang mas madaling maunawaan ng mga manunuod ang estorya nito. Naging malinaw ang diyalogo ayon sa nais ipahayag na saloobin at damdamin ng pelikula.
D. TAUHAN:
Mahusay na nagampanan ng mga tauhan ang kanilang mga karakter. Ang bawat ekspresyon ay itinugma sa damdaming nais ipakita o ipadama sa mga manunuod. Naging makatotohanan ang kanilang mga kilos at pag-arte. Kaya't ang oelikulang ito ay sadyang nagpaantig sa bawat puso ng mga manunuod.
E. SINEMATOGRAPIYA:
ANGGULO:
naging maayos at galaw at lente ng kamera sa pagbuo ng pelikulang ito.
KULAY:
Simple at talagang dramatic ang ginamit na kulay.
KASUOTAN:
Sadyang iniangkop ang kanilang kasuotan sa tema ng pelikula.
ILAW:
Ginawang medyo madilim ang liwanag na ginamit.
IBA PANG ASPEKTONG TEKNIKAL:
EDITING - Simple at maayos ang ginawang editing nito. Mahusay ang pagkakasunod-sunod ng estorya at naging malinaw ang paglalahad ng nilalaman ng kuwento. Taglay ang pagiging dramatic ng pelikula.
MUSIKAL - Maganda at mahusay ang paglalapat ng musikal nito na sadyang bumagay sa genre ng pelikula, maging ang tunog o sound effect ay naging angkop lamang sa pagiging dramatic ng palikula.
ARAL NG PELIKULA:
Maging positibo sa kabila ng mga pagsubok sa buhay at laging piliin ang tumulong ayon sa ating makakayanan. Dahil hindi ang kahirapan ang sapat na dahilan para maging bulag sa kalagayan ng iba. May tunay na kasiyahan sa pagtulong na nagmumula sa kaibuturan ng puso.
Comments
Post a Comment